KORTE IPINAG-UTOS ANG PAG-IMBESTIGA SA DATING MANILA CITY JAIL WARDEN KAUGNAY SA PAGPAPALAYA SA JAPANESE INMATE
Ipinag-utos ng Makati RTC Branch 138 ang pag-imbestiga sa dating warden ng Manila City Jail na si J/Supt Renato P Gacutan at sa iba pang may kinalaman sa pagpapalaya sa isang Japanese national na si HISAAKI SUZUKI alyas “AKI” na nahaharap sa kasong Illegal Recruitment sa sala ni Judge Alberico Umali ng Makati RTC Branch 138 .
Ang paguutos ay isinagawa matapos na mapag alaman ng Korte na ang kasalukuyang warden nang maganap ang pagpapalaya ay walang iba kundi si J/supt Renato P. Gacutan., at hindi si J/SUPT EMILIO CULANG gaya ng napabalita.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang bilannggo na si Suzuki ay pinalaya mula sa Manila City Jail sa pamamagitan ng inilagak nitong Piyansa sa Manila MTC Branch 2 at 21 noong Ika-18 ng Oktubre 2007 kung saan siya ay parehong may kinakaharap na kaso.
Sa rekord ng kaso na isinumite ng pulisya kaalinsabay ng commitment order ni SUZUKI sa Manila City Jail, lumalabas na tanging sa Manila MTC Branch 2 at 21 lamang siya may kinakaharap na kaso. Kung kaya naman siya ay kaagad na pinalaya base na rin sa bisa ng Order na inilabas ng Korte.
Napag-alaman lamang na si Suzuki ay may nakabimbin palang kaso sa Makati RTC Branch 138 matapos na makatanggap ng Order of Explanation si OIC Manila City Jail Warden J/Supt Emilio Culang. Noong Ika-16 ng Nobyembre 2007 kung saan humihingi ng kapaliwanagan ang nasabing korte kung bakit pinalaya ang naturang bilanggo.Dito ay humingi si Culang ng paumanhin sa Korte kaugnay sa pagpapalaya ni Gacutan kay Suzuki at kanyang sinabi na siya ay naniniwala na ang pagpapalaya kay Suzuki ay ginawa “in good faith”.
Kaalinsabay nito ay ipinag-utos ni Chief BJMP J/DIR ARMANDO M LLAMASARES ang agarang pagiimbestiga sa kaso gayunding ang panawagan sa kanyang nasasakupan na maging mabususi sa pagproseso ng papeles ukol sa pagpapalaya ng isang bilanggo. Sinabi din ni Llamasares na “Bagamat ang rekord ng ating mga bilanggo at ang pag counter check sa mga nakabimbing kaso sa pulisya at korte ay isinasagawa sa manual na paraan lamang, kinakailangan nating siguruhin na wala tayong magagawang pagkakamali sa proseso ng pagpapalaya para na rin sa kapakanan ng bilanggo at sa mga taong nagrereklamo laban dito.”
Ang BJMP ay binigyan lamang ng labinlimang araw (15) ng Korte upang isumite ang resulta ng kanilang imbestigasyon. |